Tuwang-tuwa ako noong Grade 5. Nag-field trip kami sa
bundok doon sa amin para mag tree- planting. Noong college naman nagpunta kami
sa mga slum areas para pag-aralan ang kahirapan sa Pilipinas.
Ngayon, tuwang-tuwa ang mga bata kasi ang field trip nila ay
sa MOA. Mall of Asia kung tawagin. Minsan napagkamalang Asian Mall, Asia of Mall o MUWAH sa mga
bisayang konduktor ng dyip o bus.
Ano ba ang MOA? Paano ba pumunta doon? At anong educational
things ang makikita at matutunan mo kung doon kayo mag-field trip?
Habang sinusulat ko ito, ang MOA ay ang pinakamalaking mall sa Pilipinas at isa sa
mga runner-up sa mga pinakamalaking mall sa buong mundo. Ito ay pag-aari ng
pinakamayamang tao sa Pilipinas, si Boss Henry Sy.
Paano ba pumunta doon? Taga-saan ka ba? Di bale na. Kung
taga-saan ka man, madali lang pumunta doon. Parang tinanong ka lang na “Kilala mo ba
si Rizal? Ipupusta ko ang pustiso ng lola ko, sigurado akong alam ng lahat ng
driver paano pumunta doon basta huwag mo lang kalimutang sumakay.
salamat sa http://www.philippinelisting.com sa pix |
Ano ba ang makikita mo doon? Siyempre, ang dambuhalang
skeleton ng mundo. Ito daw ang itsura ng mundo natin kapag napuno na ng mga mall ating kapaligiran. Liban doon, makikita mo rin ang
mga tumutubong condo, mga nagsusulpotang mga bar at kainan, bahagi ng dagat na
tinatabunan ng lupa at ang mga friendly badjao natin sa mga bus stop na kapag hindi mo binigyan
ng pera ay sasabihan ka pang barat.
Sa MOA rin dinadaos ang halos lahat ng mga events o gathering,
sosyal man o simpleng monthsary ng mag-shota. Kapag may booking na ang Araneta
Coliseum, dito sa halip ang venue ng mga concert ng mga ka-age kong si Justin
Bieber at kung sino-sino pang mga international artist. At hindi ko pa rin maintindihan kung bakit parating sold-out sa kabila ng talamak na kahirapan sa Pinas. Pero hindi ko na sasabihin na sa likod nito ay masarap tumambay
at manood ng sunset.
Noong Sabado lang nasa MOA ako. Pero ‘di ako nag-field trip
doon. Bumili lang ako ng moth balls. Salamat
sa MOA. Paano na lang kung wala ka?