Showing posts with label Kwentong Galit. Show all posts
Showing posts with label Kwentong Galit. Show all posts

Tuesday, July 01, 2014

Pumapapel

Yung kaklase mong naka-graduate ng walang dalang notebook at papel since 1st year. Eto ang isa sa mga shining, shimmering, splendid moments niya.

“Okey, class we will have a quiz today. Get your ¼ sheet of paper and number it 1 to 10.”
“Tol, may papel ka ba diyan? Pahiram naman muna, balik ko bukas.”
“Ay tol, sorry ha last piece na to.”
“Grabe, ang damot mo naman.”

Ganito lagi ang eksena araw-araw kapag may surprise exam sa klase. Ikaw pa ang kontrabida. Ikaw pa ngayon ang may masamang ugali. Kung hindi papel ang wala, minsan ballpen. At ang matindi pa, pati notebook di nag-eexist sa kanya.

Sana makarelate ang mga bata ngayon, pero noong kapanahunan ko, which is 10 years ago, kinokopya namin yung sinusulat ng guro sa pisara. Yung mga nakasulat doon ay parang pilak, may halaga tuwing exam. Yung ilan kasi sa mga ito, di nakalimbag sa mga aklat na pinamamahagi ng paaralan. So ang stategy niya, hihiramin niya ang kwaderno mo at papa-xerox simula page 1 hanggang last page kung saan nakasulat ang pangalan ng crush mo. Copy-Paste. Hassle-free. Buhay hayahay.

Masusubukan ang Sharingan mo dito.
Bestfriend sila nitong kaklase mong may papel at notebook nga, pang-championship level naman kung mangopya. May sharingan ang mata. Kayang basahin kahit bakal na yung nakatakip sa papel mo. Sila yung nalimutang ihanay sa listahan ng mga super heroes. Bilis kasi ng reflexes at pang-amoy kapag nakitang padating na si titser. At ang mala-Game of Thrones na ending eh, mas mataas pa yung grades niya sayo. Kapag natiyempuhan kong mag-isa to sa bahay nila, kukulotan ko to at pagbubunutin ang kilay niya.

Kung wala kang ganyang kaklase, bumalik ka ulit sa skwelahan tapos kwentuhan tayo kasama ang pagong ko.

Thursday, June 26, 2014

Maamo

Nakaugalian ko ng tingnan muna ang sasakyan ng aming amo bago pumasok sa opisina. Dalawang bagay lang kasi ang pwedeng mangyari. Una, kapag andiyan ang sasakyan niya siguradong may nagbabadyang di magandang kaganapan. Pangalawa, kapag wala naman siguradong may nagbabadyang di magandang kaganapan. Teka, parang inulit ko lang ah. Kasi kahit andiyan siya o wala, hindi talaga kaaya-aya ang nangyayari.

Sa katunayan, 9 out10 na empleyado dito may poot sa damdamin tungo sa kanya. Mga bitter lang, mga sawi sa pag-ibig. Kahit kalahi mismo niya ay nababahuan sa pag-uugali niya. Kaya yung isa sa sampu na yan, sarap sampal-sampalin ng alpombra ang mukha sa sobrang sipsip.

Mismo sa araw na nagkaroon ako ng trabaho, eto na lagi ang tanong ko. Bakit nakakatakot ang mga amo? Lalong pinagtibay ng pelikulang Horrible Bosses ang mga paratang ko sa kanila pero sa nakakatawang paraan. Pero bakit ganoon ang imahe ng mga amo: malupit, salbahe, matanda - kung minsan panot, suplado, kuripot, may mata sa likod, late pumapasok, aga naman umuuwi, bastos, laging nagpapatimpla ng kape at malaki ang tyan. Uulitin ko, bakit sila nakakatakot hindi naman sila kapre o kaya aswang? Pero promise, di lahat sila, maliban doon sa dati kong amo. Medyo suplada ang peg pero hot. Laging naka skirt. Kung ganyan ba naman lahat ng amo eh, magpapa-alipin na ako.

Jollibee ang code naming mga pinoy dito sa kanya. Laki kasi ng tyan nya. Sigurado akong kapag nakatayo siyang derecho, di niya kita yung paa nya.  At pupusta ko pustiso ng lola ko, hirap na hirap tong magtali ng sintas ng sapatos niya. Di naman siya nakakatakot, sadyang malaking tao lang talaga siya. Sa tuwing pinapatawag nya ako sa office, limang beses muna ako magdadasal bago pumasok. Yung feeling na parang nakapako ang paa mo sa lupa. Di ka man lang makabuwelo. Sa isip ko, riot na naman tong utos niya. Tapos kapag binati mo ng “Good Morning, Sir,” ang sagot nya lagi, “What is good in the morning?” sabay sasayaw ng Ops Kiri Ops. Kapag nagsalita naman, walang emotion. Kung baga sa sentence, di mo alam kung exclamation point, comma, o period ang ilalagay mo sa dulo. Monotone.  Tapos imagine-nin mo yung mukha ni Jollibee na hindi ngumingiti. Di mo kasi alam kung galit, o nagjojoke lang ba siya o natatae na. Pokerface. Yung simula parati ng pangungusap niya ay “Bakit”. Sabi nila di naman sya graduate ng abogasya pero bakit kapag kausap mo siya, parang nasa upuan ka ng nasasakdal.

Kung ako ay magiging amo, ituturing kong kaibigan ang lahat ng empleyado. Hindi ko sila pangungunahan sa halip bibigyan ko sila ng layang magsalita, pumili at magdesisyon.  Kapag ako ang nasa taas, di ko hahamakin ang mga tao sa baba. Sa halip, aakayin ko sila paakyat ng hagdan. Kung magiging boss ako, ako lagi ang nasa unahan. Hindi ako uutos ng wala sa lugar. Tatayo ako sa aking inuupuan at magtitimpla ng kape. Kung ako ang maging amo mo, may libreng lunch araw-araw. Ipagpapatupad ko ang araw ng Miyerkules na Skirt Day sa lahat ng mga babaeng empleyado.

Sumilip ako sa blinds ng glass wall ng department namin at shit andoon yung sasakyan na. Mukhang alam ko na mangyayari sa araw na to.


Tuesday, February 25, 2014

Si Tatang

Lumaki ako na may galang sa mga matatanda o sa nakakatanda. Matik, tuwing ala-sais ng hapon, nagmamano kami sa aming mga lolo at lola. Gumagamit kami ng po at opo kapag nakikipag-usap sa kanila. Isinasapuso ang mga payo at gintong tagubilin nila.

Dito sa tinutuluyan kong brand new apartment with free sim card ay may kasama kaming matanda. Sinabi kong matanda kasi meron na syang puting buhok at ang favorite singer nya ay si Victor Kahoy. Ilonggo sya pero wala sya itsura nya ang pagiging malambing. Judgemental lang ang peg. Isa daw syang accountant at hawak nya sa leeg ang kanyang amo. Yung pangalawang sinabi ko, hindi totoo yun. Matagal na sya dito, almost 15 years na. Naks, tibay ni Tatang. Isa kang tunay na bayani. Ako nga, kaka-isang taon pa lang para ayoko ng bumalik.

Ito palang si Tatang ay sobrang fanatic kay Vice Ganda. Isang araw, japorms syang lumabas ng kwarto nya. Nakatuck-in hanggang dibdib at nakapomada kaya tinanong ko sya, “O Kuya, saan punta?” “Tapon basura”, sagot nya. Siyempre, hindi nangyari iyon. Dahil nga sa kakanuod nya ng It’s Showtime, eto ang totoong naganap. “Aga mo kuya ah, papasok ka na ba?” Sagot nya, “Ah hindi, pupunta ng lamay. Kita mong papunta na ako ng office, tapos tatanungin mo pa ako. Siyempre, papasok na”. Nagulat ako. Parang di naman sya ganoon sumagot sa iba naming kasama. Kumulo ang dugo ko, pwede ka na ngang magtimpla ng kape sa sobrang init. Pero dahil nga may galang ako sa matanda, sige pass muna.

Pero parang pelikula, nagkaroon ng part 2. Sanay kasi akong magtanong para ‘to break the ice’ ika nga. Magbabakasyon kasi sya at parang binati ko lang na, “Saan ka magpapasko kuya?” “Sa Europe. Alam mong uuwi ako di ba, e di sa Pinas”. Sa isip ko, baka sa probinsya at hindi sa Maynila. Napa-cartwheel ako sa sagot nya. Maldita kang damatands ka!

Akalain mo may ganoon palang matanda. Kagalang-galang di ba! Kay Vice bagay pero sa kanya parang overacting na Chikito na sinapian ni Bella Flores. Uulitin ko, parang Market Market, may galang ako sa mga matatanda. Sige pass muna ulit.

Tsaka sobrang din syang madada. Totoo nga sabi nila na ang mga taga-Negros, tikalon (Ilonggo word, research nyo na lang). Gusto nya sya lagi ang bida sa kwentuhan. Gusto ko sana ikwento sa kanila ang Alamat ng Langgam pero nasapawan ako ng kwento nya tungkol sa history. Yung araw ng pakikidigma ni Lapu-lapu kay Magellan. Ganyan sya ka antigo. Andoon nga sya sa picture noong pinako si Hesus sa krus. Kaya kapag may chikahan session na sa bahay, mata ko na lang gumagalaw.

Labag man sa aking kalooban, kinikimkim ko ang lahat ng galit. Kaya minsan, habang naglalakad, pinatid ko nga sya. Noong tulog, nilagyan ko ng earplugs yung ilong nya at gamit ang uling minarkahan ko ng X yung mukha. Tapos binudburan ko ng maraming asin yung nilutong nyang sinangag. One time, pumasok ako sa kwarto nya at nilagyan ko ng hollow blocks yung office bag nya. Yung sinampay nya, inutotan ko. At kapag sumagot ulit sya ng pabalang, pagsasampalin ko sya ng betlog ko. Yun lang takot akong gawin lahat ng ito kaya ikukwento ko na lang sa pagong.

Mabait naman sya kung sa mabait. Kung bibigyan nga sya ng award, hindi lang Most Behave, “Best in Honest” pa sya sa school. Nagsi-share din naman sya ng food at minsan nanglibre ng pizza.  At...at… at yun lang. Wala na akong maisip eh.

Ngayon, for world peace, di na ako unang nagsasalita kapag nagkikita o nagkakasalubong kami. Di na rin akong nagre-rebut sa mga bara nya sa akin. Promise ko, di ako magiging katulad nya pagtanda. Ano na lang sasabihin ng mga apo ko, "Wala kayo sa lolo ko, sobrang fan ni Vice Ganda yun" o kaya "Wala kayo sa lolo ko, sobrang madada yun". Nakaka-turn off. Hahaha. 

Thursday, March 22, 2012

Easy Steps on How To Eat Magnum


Hindi ako nagmumura pero tang-ina naman oh, kailan pa at pati ba naman ang pagkain ng Magnum, status symbol na.  Sino nagsabing nagmumura ako, king-ina tusok-tusokin ko. Chismis lang yun. Sang-gala, balita ko kapag kumain ka daw ng ice-cream na yan eh feeling royalty ka daw. Kung hindi ka pa nakatikim, eto ang tamang paraan ng pagkain nito.



1.       Una, may pambili ka ba? Kung wala huwag mo na basahin ito. Kasi sosyal daw ang kumain nito. Maghanda ka ng 55-60 pesos. Kasi ang presyo nito ay depende kung saang 7-11 ka bibili.

2.       Tapos i-take home. Dahan-dahan lang sa paghawak para hindi masira ang foil or kung ano man ang tawag sa tang-inang cover nito for picture-taking for purposes. At siyempre bilisan ang paglalakad para hindi agad matunaw. Tapos take a bite. Take note: one bite lang ha para magandang tingnan sa picture.

3.       At ito na nga ang pinaka-highlight, ang picture-taking. Kung my iphone 4s ka, mas maganda. Kunan ang sarili na kinakagat ang Magnum at ipikit ang mata kunyari masarap na masarap kahit niloloko mo lang ang sarili mo. Para mas mataas ang pixels, mas maganda kung DSLR ang gamit mo.

4.       Mag-online. Facebook o Twitter. I-upload ang pix at lagyan ng caption: “My Magnum Experience”. Tapos post mo sa status mo: “Magnum anyone? Omg, Nakakaadik talaga siya. Super sarap”.  Opps, wag mahiya.  Pwede mo ring palitan ang OMG ng WOW o ano pang keme-keme.  Tang-ina this. 

5.       At wag nang mag-atubili. Ano pa ang inaantay mo? Bili na ng Magnum para isa ka maging ganap na miyembro  ng asosasyong sunod-sunod sa uso. “Bigyan ng jacket yan at Willy’s phone”.

Hindi ko lang talaga maunawaan. Para sa ilan achievement na sa buhay ang makabili ka ng Magnum. Pero 60 pesos para sa ice cream stick, eh maghalo-halo na lang ako. Pero tang-ina talaga ang  nagkakalat na nagmumura ako, umayos ka na. Patira kita kay Boy Hagdan. King-ina niyo ah, bibili nga ako mamaya. Ma-try nga ang Magnum na yan. Pero bago yan, tanongin ko muna si SimSimi.

Ako: Masarap ba ang Magnum?
Simsimi: Yuck, sosyalera ang mga kumakain niyon.
Ako: Talaga. Bakit?
Simsimi: Mahal kasi yun. Pero masarap yung classic.
Ako: Talaga!
Simsimi: Vice Ganda, ikaw ba ito? Pauli-ulit ka kasi. Unlimited.

Monday, March 12, 2012

Suma Cum Laude

Habang naglalakad pauwi ay sinusulat na ng utak ko ang mga nilalaman nito tungkol sa nangyari mga apat na oras ang nakalipas. Nag-uunahan ang aking paa at isipan papunta sa bahay dahil baka bago pa ako makarating ay makatakas pa ang sama ng loob.

Noong nasa departamento ka namin ay hangang-hanga ang mga bago sa lalim ng boses mo, sa mga mabulaklak mong pangungusap at sa iyong malinis na pananamit. Maliban sa akin. Noon pa man ay wala talaga akong bilib sa iyo.

Sa tuwing pinagbubunyi mo ang pinagdaanan mo sa iyong OJT ay parang mahuhulog na ang panga nila sa pagkamangha. Naubos ang salitang “Wow, ang galing mo naman”, kapag kinukwento mo ang pagiging honor student mo.

Dahil sa katangiang ito, alam ko na madali mong makuha ang gusto mo. At na-promote ka nga bilang bisor. Pero salamat at ‘di sa departamento natin. Namin na ngayon.

Masaya ako kapag nakakakita ng mga taong umaakyat ng isang hakbang sa hagdan ng tagumpay.  Tulad mo.

Pero pusang-gala, hindi ibig sabihin noon na kalimutan mo na kung saang departamento ka galing. ‘Di ka marunong lumingon. Parang hindi ka naging isa sa amin. Magkastiff-neck ka sana. Hiniwalay mo na ang sarili sa dating gubat na humasa sa iyo para maging isang mabangis na leon. Tulad ko.

Okey lang na pagsabihan mo ako sa isang bagay na hindi ko pa nababasa o nalaman dahil nauna ka lang nakabasa, pero ang taasan ng boses at hiyain ako sa harap ng departamento, aba anak ng tupa, ibang usapan na yan. Pwede mo naman ibahagi yung nabasa mo diba sa paraang hindi pasigaw na para bang gusto mong malaman ng lahat na magaling ka.

Ang sa akin lang naman ay parang hindi tayo magkakilala dati. Parang hindi magkasama dati. Ano ba naman ang kausapin mo ako ng mahinahon at talakayin kung ano ang mabuting gawin sa isyu ng bata mo? Di ba mas madaling gawin at kaunting lakas lang ang mababawas sa payat mong katawan? Ganyan kasi ang natutunan ko sa departamento na ito. Ang gawin ang payak pero mabisang paraan. At siyempre ang gawin kung ano ang kayang gawin. 

Sa wakas, nailatag ko na din sa blog na 'to ang mga hinuha na kanina pa naglalaro sa utak ko. Okey na ako. Siyangapala, hindi ako nakikinig sa mga kwentong OJT mong kabaduyan. At kung Magna Cum Laude ang yabang mo, Suma Cum Laude ako.

Tuesday, March 29, 2011

Kwentong Galit

Eksena: Apat na travel specialist sa 5th floor ng isang call center sa tapat ng RCBC. Katatapos lang ng mga call nila. Indiyano daw kausap. Irate callers daw. Naglabas ng sama ng loob.


Location: Smoking area sa tapat ng Mcdo.

Boy Irate 1 nag-intro. Hindi maka-move on. Aligaga pa rin.

Boy Irate 1: Pusang gala pre! Uminit ulo ko doon sa kausap ko. Pusang gala naman o! Name correction ang issue. Alam mo anong airline? Walang hiya, Barracuda Airlines. Check ko, sila nag-book. Policy ng ticket changes not permitted. Saan ka pa? Pre, kasalanan daw natin. Iniiba daw natin yung name nila after ma-book. Sino ba naman matutuwa sa name na Suckdeep Vasim? Ang tama daw na name ay may H sa gitna para hindi malaswa. Dapat daw Suckhdeep Vasim. Linsyak na yan. Pakshet, isang oras pa ang hold-time sa airline. Eh ayaw niya maghung-up hanggat hindi ko natatawagan ang airline. Sa sobrang tagal, ayun nadisconnect din. Document ko na lang na tinawagan ko siya at voicemail lang.

Natapos din ang speech niya. Sumagap ng hangin at hinithit ang yosi.

Boy Irate 2: Ah si Suckdeep? Aligaga ka rin pala eh. Napunta sa akin yung call mo. Natawa ako sa name pre, pero hindi ako natuwa sa case mo. Ginawa ko, contact ko support desk sa Vegas. Tea leaf pare. Tagal din ng process na yun. Ang ending pusang gala, Suckdeep talaga pre. Walang H. Sabi ko, correct ko na lang ang TSA info (yung sa flight security info para makapasa sa TSA security) pero no guarantees. Ang loko, lalong nagalit. Sinabi ko, sir ito po yung nilagay niyo. Anak ng tapa, sabi niya tawagan ko daw ang airline baka may magawa. E di hold ko siya, isang oras hold time. Disconnect siya. Document ako.

Huminga din si Boy Irate 2 pagkatapos ng isang mahabang talumpati na puro mura at hinanakit ng biglang dumating si Boy Irate 3 na medyo natimbrehan ang pinga-uusapan.

Boy Irate 3: E aligaga pala kayo eh. Nakuha ko ulit si Suckdeep na yan. Makulit pa sa konduktor ng bus eh. Nagpapacancel pre at nagpapa-refund. Pusang gala naman oh. Changes not permitted, non-ref pa ang ticket. Anong laban mo doon? Pinahanap sa akin ang rules sa website. Ang kaso wala nakalagay doon na non-ref. Changes not permitted lang. Para makalusot lang, explain ko na dahil changes not permitted kaya hindi pwede galawin ang ticket. Pre matigas ang mukha, hi-nold ako at sabi tatawagan daw yung abogado niya. Akala ko saglit lang pero bumalik after 5 minutes at hi-nold ulit ako. Di na bumalik after 5 minutes, ghost spiel na ako.

At parang natuwa si Boy Irate 3 dahil nakalusot nang biglang dumating si Boy Irate 4 na nag-aalburoto sa galit.  

Boy Irate 4: Mga damuho kayo. Dead-end na yung case sa akin. Walang hiyang Suckdeep na yan. Sa dami na pwede pangalan bakit Suckdeep pa ang pusang galang napili. P@#!&*%$ i^!% naman oh. QA day ko pa naman pre. Bait-baitan ako. “How are you doing?” pa nga lang nasabi ko “get me a manager” agad banat niya. Ayon escalate. Ang hold time? One hour. At ang pinakamatindi si _____ pa ang nakuha ko. Linshak, sira AHT ko. Pagminamalas ka ng naman o!

Boy Irate 1, 2, at 3 sabay-sabay na nagsalita. “Tapos ka na sa vent-out mo? Tara na”, tanong nila.

Sabay ding umakyat ang mga irate na travel specialist na parang walang nangyari. Back to work.

Sa isip nila, sana hindi na tumawag ang Suckdeep na yan at ano kaya nangyari sa escalation call?

Next agent, you know what to do.