Monday, October 31, 2011

Kumikitang Kabuhayan sa Undas


Ngayong Undas, pupunta ka sa sementeryo at dadalaw ka sa mga kamag-anak mong pumanaw na.  Ganito ang eksena para sa iyo, pero sa ibang kababayan natin ito ang perfect timing para sa kumikitang kabuhayan ngayong Araw ng mga Patay.
Lolo Barbers: Ang inyong friendly sepulturero. (from google images)
  1. Maging instant sepulturero. Sa ganitong kapanahonan, tiyak na maraming gustong magpalinis ng mga nitso. Kaya tiba-tiba ka rito. Wala kang puhunan, basta may pala ka o anumang advance tools na panghukay, you are fit for the job. At ang pinakamahalaga sa lahat, kelangan mo rin ng lakas ng loob para harapin ang mga smiling faces na mga kalansay.                                                            
  2. Maging isang candle collector. Yung taga-ipon ng mga tunaw at tira-tirang mga kandila para i-recycle at “taraan” may brand new kandila ka na. Pero para hindi halata kelangan lagyan mo rin ng design at dapat it comes in different colors.
  3. Maging isang walking flower shop. Dapat tapatan mo yung candle collector dahil kung magkapares ang tokwa’t baboy at si Porky at Choppy, may bulaklak kapag may kandila. Ang pinakamagandang shop location ay doon mismo sa bungad ng sementeryo.
  4. Maging vendor ng pamatay-uhaw. Wala man itong kinalaman sa patay pero in pa rin ang mga pamatid-uhaw tulad ng ice-tubig, ice candy, ice pop at ice mismo. Kung gusto mo nang mabilisang kita, magbenta ng juice. Secret ingredients: maraming tubig, maraming asukal, maraming ice at tatlong kutsarang concentrated ng orange juice. Ibenta mo sa dalawang piso, patok na patok sa takilya yun. Ingat lang kay Mike Enriquez.
  5. Kung magbenta ka ng alak, sigarilyo at baraha, dapat pa-sekreto lang. Kung ito ang pinili mong business, kelangan mo ng matinding training. Sales talk pa lang matindi na. Kelangan may kapit ka din kina chip at sarhento. Dahil ang mga ito ay ipinagbabawal na sa loob ng sementeryo kasama ng mga matutulis at matatalim na bagay.
Maliban sa taas, pwedeng na ring rumaket in advance.
  1. Sumali sa o mag-organize ng custome-making contest.  Kung kinakatakutan ka sa inyong barangay o kung kamukha mo si Diego, malaki ang tsansa na mananalo ka.
  2. Kung miyembro ka ng beki society, sumali sa mga gay contest. Ewan ko kung nagkataon lang at wala akong hinanakit sa mga katropa nating beki pero doon sa amin marami ang gay contest tuwing Halloween. Siguro katuwaan lang para mawala ang takutan. Balita ko sold out daw ang mga tickets.
  3. At siympre ang walang kamatayan business kapag Halloween ang mga maskara, kalabasa o pumpkins, at mga candies para sa mga kids. Minsan sumama ako sa mga kids sa Alabang para mag-trick or treat. Walang-hiya puro treat, sumakit lang ang ipin ko sa kakain ng mga kendi na hugis uod.
Kung wala ka namang gagawin, tumambay ka na lang sa bahay at manood ng The Ring mag-isa. Pero kung gusto mo talagang matakot, bumili ng piratang CD sa Recto at panoorin ang Maguindanao Massacre starring the Ampatuans.

Sunday, October 16, 2011

Mukha Libro 3


Hindi ko naatim na aabot sa part 3 ang paksang ito (Part1 at Part 2) at ang lahat ng taong may kinalaman sa nabanggit sa baba ay bagsak sa GMRC o Values kung nasa high school ka o di kaya Etiquitte kung sa kolehiyo ka naman. Pero kung hindi mo napag-aralan ang kahit na isa diyan, sige common sense na lang.

Ang Facebook ay isang paraan para makipagsalamuha.  Ibig sabihin parang isang malaking pamayanan lang siya na nilagay sa Internet. Tulad sa isang pamayanan, nakikipagkapwa-tao tayo. Kinakausap natin ang ating mga kakilala. Binabati natin ang mga kaibigan sa birthday nila at siyempre hindi mawawala ang picture-picture sa mga okasyon na tulad nito. Ganoon din sa Facebook. Tulad din ng  isang pamayanan, may sinusunod din tayong tamang asal sa pakikipagkapwa-tao.
http://www.google.com.ph/imgres
Kaya mag-review muna tayo.

1. Ang Facebook ay hindi diary. Hangga’t maari i-post lang ang mga pinakamahalagang pangyayari sa araw-araw na buhay mo. Lalo’t na kung wala naman itong kinalaman sa pagtaas ng ekonomiya.  Kaya kung 99 ang marka mo sa GMRC, di mo ipo-post ang bawat paghakbang mo papunta ng paaralan, opisina o maging sa Bora. Paano pala kung serial killer ako?

2.  Ang Facebook ay hindi photo album. Pwede kang gumawa ng album doon pero huwag naman pati yung tumatae ka at naka “peace sign”. O kaya yung lumalabas na ang mga hindi dapat lumabas lalo’t na kung maitim yun. Huwag din po basta na mag-tag ng tag. Paano kung ayaw ng taong iyon na i-tag siya kasi malaki pala ang tiyan niya sa picture na yun? At please upload lang ang mga picture na pogi at maganda kayo lalo na kung naka-Beats kang headset o kaya G-shock na relo.

3.  Ang Facebook ay hindi tungkol sa paramihan ng friends. Huwag basta-basta i-accept ang mga friend request. Suriin muna ang taong nagpadala. Kakilala ko ba ito o isang poser lang? Yung iba diyan isang-daang libo ang friends pero 100 and ½ lang ang kilala niya doon.

4. Hindi nobela ang sinusulat sa Facebook comment page.  Kung mag-comment man sa isang post ng kaibigan o isang fan page, panatilihin itong short and simple. Maliban na lang kung malalim at makabuluhan ang comment mo. At please hindi ito text messaging, mas nakabubuti kung buo ang mga salita at tama ang spelling. Exercise po natin ang ating kalayaan sa pagsusulat. 

5. Ang pag-like sa status ay hindi dapat hinihingi. Dapat kusa ito at bukal sa loob. Huwag mong pilitin ang tao na i-like ang status mo lalo’t lalo kung hindi mo naman siya friend sa FB o kung hindi mo naman siya ka-close.  O kaya mo ni-like ang status niya para i-like din ang status mo? Tsaka ano ba makukuha namin kapag nilike namin ang post mo na may bago kang sapatos? Luluwag ba ang trapik kapag ni-like namin na kumain ka ice cream? Huwag kang mag-alala wala pang yumaman dahil marami ang nag-like sa status niya. Si Boss Mark Zuckerberg lang.

At higit sa lahat bago i-click dapat mag-isip dahil kung ano man ang nilagay mo sa Internet ay habambuhay nang nasa Internet. Ang utak ay nasa ulo hindi sa daliri, hindi rin sa mouse. Kaya bago magpost, like o comment, isipin muna ng mangilang beses.