Monday, September 17, 2012

Unica Hija


Siyam na oras sa trabaho at ang lahat ay para na sa kanya. Kaya naman pagkagaling dito, agad siyang umuuwi ng bahay. Sa duyan, taimtim nyang minamasdan ang hugis ng mukha, ang kulay ng mata, ang tangos ng ilong at ang pula ng labi ng isang babae na tila bang pintor at saka pininta sa kanyang alaala. Binuhat niya ito at hinalikan sa pisngi sa sobrang pananabik. Kahit hindi niya forte ang musika ay tinuring niyang entablado ang sala para siya ay kantahan. Kalong-kalong sa kanyang mga braso ay dinuyan niya sa hangin hanggang sa makatulog. Ang panandaliang sandaling iyon ay kanyang lunas sa buong araw na pagod. Ang pagmamahal niya sa kanya ay parang ilog, hindi napapagod sa pagdaloy.

Kapag siya ay umiiyak, hindi rin siya mapakali. Inaalok niya ito ng maiinum, tinatanong kung ano ang gusto niyang kainin, at kulang na lang ay pigain niya ito para malaman lang kung saan niya gustong pumunta. Ngunit hindi ito sumasagot kaya binabasa niya na lang sa kanyang kilos at galaw.  At kung magigising man ito sa madaling-araw at bubulabugin ang kanyang mahimbing na tulog ay pinapangako niyang hindi magrereklamo. Titiisin niya ito dahil ang pagmamahal niya sa kanya ay walang hanggan.

At tinuring niyang prinsesa, araw-araw siyang pinaghahandaan ng masarap at masustansiyang pagkain. Maingat niya ring pinapaliguan at nililinisan ang mga maseselang bahagi ng katawan nito. Sinisugarado niya ring hindi ito dadapuan ng lamok, langaw at kung ano pa mang mga insekto.  Ang kanyang higaan ay kasing lambot ng bulak at kasing linis ng ulap sa puti. Habang mahimbing itong natutulog sa tanghali, siya naman ay gising na para bang isang sundalong nakabantay. Dahil ganoon siya kahalaga sa kanya. Hindi masukat at hindi mabilang ang kanyang pagmamahal.

Gusto niyang ibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Gagawin niya ang lahat kahit na alam niyang mapait, masakit, at mahirap ang landas na kanyang tatahakin. Nais niyang ibahagi sa kanya ang anuman naging kulang sa kanyang buhay. Dahil mahal na mahal niya, ganoon lang kasimple. At ang tanging hangad niya lamang ang maging isang mabuting ama.


Siya si Renato habang nakaupo sa kama, tinititigan ang pitong-buwan na babaeng anghel sa sinapupunan ng kanyang asawa at sabik na sabik na itong makita.