Saturday, November 02, 2013

Simula ng Pagtatapos

Parang may deadline, ang lahat ay taranta at abala sa kusina. Nilabas na nila ang lahat ng mga magagarang kubyertos. Iba-ibang putahe ang nasa menu. Gumuguhit sa hangin ang amoy ng lechon. Ang bawat makasinghot nito ay busog na. Nagpadeliver din sila ng isang box ng chocolate cake. Ang mahabang lamesa ay nag-aabang na lang na mga ilalatag na pagkain. Ang gate ay pinalamutian ng ilaw at may nakasabit na karatolang “Maligayang Pagtatapos, Mylene. We are proud of you”.

Wala akong magandang alaala ng aking pagtatapos sa kolehiyo. Hindi nakapunta ang nanay at tatay dahil walang pamasahe. Inisip ko na lang na tatlo o apat na oras lang naman to at matatapos rin ang seremonya. Kung may Facebook noon, wala yata akong selfie na pwedeng pang profile pic. Wala rin yata akong picture sa yearbook dahil hindi ako nakabayad. Tangena talaga, bayarin na naman. Pero requirement ang yearbook fee kaya no choice. Yun na lang binayaran ko. Bingi kasi ako kapag sinisingil ng class treasurer. Pwede naman palang makapagtapos kahit wala akong litrato doon. At hindi ko binalak na kunin ang kopya ng yearbook pero gustong kong usisain kung ano laman nito.

Nang mga oras na yun, hindi pumasok sa isip ko na magtatapos na pala ako. Pakiramdam ko kasi parang kulang. Parang hindi ko binigay yung lahat ako. Parang wala akong natutunan. At parang hindi masaya.

Habang nagsasalita yung guest speaker ay nironda ng mata ko ang paligid. Nakita ko ang mga magulang ng mga kaklase ko. Walang mapagsidlan ang kanilang saya. May mga hawak na kwentas na bulaklak. Nang matapos na ang palatuntunan, ang lahat ay sabay-sabay na tinapon ang toga cap sa ere. Tapos kanya-kanyang litrato. Parang mga maliliit na kidlat , kaliwa-kanan ang kislap ng mga kamera. Hindi mapaghiwalay na mga yapos at yakapan habang umiiyak.

Hawak ko lang aking toga. Nakayukong naglalakad. Malalaki ang hakbang. Parang ninja, nawala agad ako sa eksena. Palayo sa isa sanang mahalaga at masayang alaala.

Pero kahit ganunpaman, maituturing kong ginto ang aking diploma. Dahil dito nakalimbag ang pagod at hirap ng aking mga magulang. Kahit puro photocopy lang ang mga libro. Kahit kanin lang ang baon at sabaw lang ang ulam, pasimple pa minsan hinihingi sa karinderya. Minsan sa library na nga lang nalilipasan ng tanghalian. Yung iba nga diyan, may pera naman pero puro naman bulakbol. May kilala akong Valedictorian pero hindi nakapagtapos. Mapalad pa rin ako kung tutuusin. Salamat po, Nanay at Tatay at sa lahat po ng nagpautang sa amin. Dahil kung hindi po sa inyo, wala sanang matikas na Boy Lapot ngayon. Walang karibal si Dindong Gwantes este Dantes. Walang magliligtas sa mundo ng pagkabagot. At sabihin mo, paano na lang mga malamig na gabe kung wala ako?

Sa bahay nila Mylene, nagsimula na ang kasiyahan. Pero nagtaka siya kasi alas-otso pa lang ay patay na ang ilaw ng kapitbahay nila na kasabay niyang ring nagtapos. Dati rati naman ay hating-gabi na kung sila ay matulog.  Wala ring maririnig na ingay. Sarado din ang pinto.

Kinabukasan ay humingi ako ng paumanhin kay Mylene dahil hindi ako nakapunta sa party niya kahit bakod lang ang pagitan namin.