Sunday, October 12, 2014

Royal True Orange

Sabi nila, you can be whatever you want. Pwede kang maging doktor, pwedeng kang maging teacher, nars, ehinyero, arkitekto, karpentero o manikurista. Walang pipigil sa iyo kung gusto mong maging makisig na sekyu, ispirista, janitor, sepulturero o tanyag na tambay. O kaya maging pintor, masigasig na taga bukas ng lata, tirador ng kaning lamig at higit sa lahat pwede kang magbalat ng patatas.

Ang mangarap ay isa sa mga regalo ni Boss sa atin. Libre lang ito kaya lubusin mo na. Find out who you are and do it on purpose. Noong ene-chos ako ng guro ko na magaling daw akong magsulat, sineryoso ko naman. Kinabukasan, nagpasa ako ng aking sinulat pero bago natanggap bilang contributor sa literary page ay sandamakmak naman na kritiko ang nataggap ko mula kay Mam. Sa sobrang galing ko, hindi na ako tinatanggap sa hospital. Loko lang. Sabi niya "Kung magbigay ako ng sample sa klase, sample lang iyon at wag mong gayahin". Gabay mo lang ito para lumikha ka ng sariling mong katha. Doon nagbukas lahat ng gateway sa utak ko. Parang mga dam sa Maynila sa tuwing may malakas na ulan. Na-inspire ako doon kaya sinabi ko sa sarili na gusto kong magbalat talaga ng patatas.

Naalala nyo ba, bago kayo magtapos ng highschool ay may mga bumibisita na mga institusyon at mga University Schools sa school nyo? Small talk para tulungan kayo madesisyon ng kurso sa kolehiyo. Bale eto yung finale sa mga tanong sa atin simula Grade 1 na “What do you want to be when you grow up?” Di ko na sineryosong pinakinggan kasi buo na ang loob ko: Gusto kong magbalat ng patatas.

Bale ang unang plano talaga sa napagdesisyonang brainstorming ng pamilya ay Nursing. Kaso epic fail kasi di covered ng scholarship program. Pero parang ginto na kumikinang nang makita ko ang Mass Communications doon sa listahan. Nagpunta agad sa future ang utak ko. Kasabay ko daw nagtatrabaho sina Quinito Henson at Ronnie Nathanielsz sa Phillipine Daily Inquirer. Di na ako nagtatlong isip. Nag-major agad ako ng Journalism.

Kung pinilit ka nilang mag-Nursing pero ang gusto mo talaga ay maging artista, okey lang yun. Tapusin mo ang pag-aaral at mag-audition ka. Wag mong pilitin ang sarili mo sa hindi mo kaya. Ikaw yan eh, di yan sila. Kung pi-nush ka ng ate mo maging guro pero ang hilig mo talaga ay magkulot ng buhok, aba push pa naten yan teh. Go lang ng go ateng. Kung Medical School naman ang nabagsakan mo noong pero gusto mo talaga ay photography, no problem. Mag-aral ng mabuti at kapag may trabaho na mag-ipon pambili ng SLR at prime lens. Sabay apply photographer ng FHM - *ngiting-aso*.

The best part of you is that you are not someone else. You are original. You are you. Ang mga salitang ito ay laging baon ko sa kolehiyo. Hanggang ngayon patuloy ito na naging anting-anting ko.

Ang ibig kong sabihin ay huwag mong hayaan na hindi gawin ang bagay na gusto mo na alam mong maging masaya ka. Ako nga sikat na nagbabalat ng patatas ngayon pero naglaan pa rin ako ng panahon para magsulat. Kasi ito ang gusto ko.

Tuesday, October 07, 2014

Sayang

Nakita mo yung pangarap mong sapatos na naka-50% discount sa isang mall. Pinag-ipunan mo ng isang linggo. Walang kain-kain. Walang gimik-gimik. Pagbalik mo, sold out na. Shetness to the maximum level, nakakadurog ng puso. Sayang.

Meron kayong high school reunion pagkatapos ng labinlimang taon. Di ka pumunta kasi sabi mo “Gastos lang yan!” Di ka sumipot kasi nga baka di ka naman mag-eenjoy. Kinabukasan nakita mo sa Facebook, nandoon pala yung crush mo. Napangiti ka na lang. Sayang naman.

May nagsabing magaling kang magsulat. Naging taga-hanga mo siya at gusto nyang suportahan ang mga gusto mong gawin sa buhay. Nagrequest siya na kunin yung libro na sinulat nya at basahin kaso tinamad ka. Nalaman mo marami pala siyang pinapaaral sa US. Sayang nasa US ka na sana.

Nagplano kayo na abangan ang meteor shower na once in 100 years lang lumalabas. Nagset-up na kayo ng camp. May nagdala na rin ng pagkain. Kaso biglang sumakit ang tyan mo at chumurvaks muna. Pagbalik mo, nagliligpit na mga kasama mo. Namiss mo yung palabas. Naikwento na nila yung pangyayari sa pagong. Sayang na sayang talaga.

Nag-apply ka sa isang malaki at kilalang kumpanya. Pagkatapos ng interview, tatawagan ka daw. Akala mo hindi ka natanggap kaya naghanap ka ng ibang kumpanya at doon nakapasa ka. Sa unang araw ng trabaho mo ay tinawagan ka ng nag-interview sayo at bibigay daw  sayo ang mataas na posisyon. Napatambling ka na lang sabay sayaw ng Chopeta sa sobrang panglulumo. Deym, sayang Manager ka na sana.

Pero ok lang yan. Kung tatanawin mo pabalik ang mga bagay-bagay na ito, malalaman mo kung bakit ito nangyari at ikaw lang may alam ng sagot. Life started billions years ago. Look, where we are at now! Naks, English yun ah. Ang ibig kong sabihin ay kung hindi man para sa iyo ang isang bagay, tanggapin mo at mag-move on. Ang kalaban mo ay oras. Di yan titigil para umiyak sa yo. Eto ang isipin mo: May laging nakalaan sa’ yo.

Teka…Tumigil muna ako at nag-isip. Kaya pala...Alam ko na kung bakit di kami nagkatuluyan ng high school crush ko. Kasi may nakalaan na para sa akin.

Tuesday, July 01, 2014

Pumapapel

Yung kaklase mong naka-graduate ng walang dalang notebook at papel since 1st year. Eto ang isa sa mga shining, shimmering, splendid moments niya.

“Okey, class we will have a quiz today. Get your ¼ sheet of paper and number it 1 to 10.”
“Tol, may papel ka ba diyan? Pahiram naman muna, balik ko bukas.”
“Ay tol, sorry ha last piece na to.”
“Grabe, ang damot mo naman.”

Ganito lagi ang eksena araw-araw kapag may surprise exam sa klase. Ikaw pa ang kontrabida. Ikaw pa ngayon ang may masamang ugali. Kung hindi papel ang wala, minsan ballpen. At ang matindi pa, pati notebook di nag-eexist sa kanya.

Sana makarelate ang mga bata ngayon, pero noong kapanahunan ko, which is 10 years ago, kinokopya namin yung sinusulat ng guro sa pisara. Yung mga nakasulat doon ay parang pilak, may halaga tuwing exam. Yung ilan kasi sa mga ito, di nakalimbag sa mga aklat na pinamamahagi ng paaralan. So ang stategy niya, hihiramin niya ang kwaderno mo at papa-xerox simula page 1 hanggang last page kung saan nakasulat ang pangalan ng crush mo. Copy-Paste. Hassle-free. Buhay hayahay.

Masusubukan ang Sharingan mo dito.
Bestfriend sila nitong kaklase mong may papel at notebook nga, pang-championship level naman kung mangopya. May sharingan ang mata. Kayang basahin kahit bakal na yung nakatakip sa papel mo. Sila yung nalimutang ihanay sa listahan ng mga super heroes. Bilis kasi ng reflexes at pang-amoy kapag nakitang padating na si titser. At ang mala-Game of Thrones na ending eh, mas mataas pa yung grades niya sayo. Kapag natiyempuhan kong mag-isa to sa bahay nila, kukulotan ko to at pagbubunutin ang kilay niya.

Kung wala kang ganyang kaklase, bumalik ka ulit sa skwelahan tapos kwentuhan tayo kasama ang pagong ko.