Wednesday, August 31, 2011

Dream Guy Mo


Hindi ako si John Lloyd. Kamukha ko lang. Pero ako ang dream guy mo.

Pangarap ko ang bilhan ka ng kariton. Dito ilalagay natin ang lahat ng bote, diaryo at kung ano pa na ating naipon maghapon. Iikotin natin lahat ng mga basurahan sa Ayala at Ortigas para sosyal. Tapos ibebenta natin sa junkshop. Ganyan kasosi  ang job description ko at ang pagmamahal sa iyo. Masuwerte ka sa akin kasi buhay-kalye ay matatamasa mo. Pero hindi ka pwedeng magreklamo. Kasi ako ang dream guy mo.

Pangarap ko ang bigyan ka ng maraming bobong anak. Gustong kong lumaki silang baluga. Hindi natin sila paaaralin at kahit lapis at papel, hindi natin sila bibilhan. Sa halip, pagbebentahin natin sila ng mga chichiria o yosi sa La Salle o Ateneo. For more income, yung iba magmamalimos. At sisiguraduhin ko na may branch tayo sa lahat ng area ng mga top notch schools. Ganyan kataas ang pamantayan ko sa edukasyon at ang pagmamahal ko sa iyo. Pero hindi ka pwedeng magreklamo. Kasi ako ang dream guy mo.

Pangarap ko rin na magtayo ng bahay na walang bubong at walang kuryente. Ang tubig natin ay ang pinakamalasa sa lahat: ang tubig-ulan. 'Wag ka ng mag-alala sa aircon, ako na bahala doon. Mahangin naman sa ilalim ng overpass eh. Tsaka may instant garden at backyard na rin tayo. Ganyan ako ka-elegante at ang pagmamahal ko sa iyo. Ako kasi ang dream guy mo.

Katuparan din ng panaginip ko ang bilhan ang buong family ng hi-tech gadget tulad ng internet plasma TV at Ipad . Para makaipon, manghohold-up ako ng bangko at magsusugal magdamag. Huwag kang mag-alala, tinuruan ako ng salisi gang kung paano ang swabeng pang-snatch ng bag at celpon. Magbebenta din ako ng droga at wag mo ako smolin, sina mayor at kongressman ang client ko. Ganyan kaluho ang buhay na tinatanaw ko. Pero hindi ka pwedeng magreklamo. Kasi ako ang dream guy mo.

Gusto rin kitang i-treat sa mamahaling restaurant. As a matter of fact, dadalhin ko kayo sa Jollibee o Mcdo at doon magkakalkal tayo ng mga tira-tira sa basurahan. Kapag may natira pa, iinitin na lang natin ulit para germ-free. Naisip ko rin na siguro mas masaya kapag salo-salo tayo at nagdildil ng asin at least twice a week man lang. At kapag wala na talaga itutulog na lang natin. Ganyan ka tiba-tiba ang buhay na pangarap ko. Isipin mo yun kahirapan araw-araw. Pero dahil dream guy mo ako, hindi ka pwedeng magreklamo.

Ambisyon ko rin na buntisin ka kaagad. Kukunin kita sa pamilya mo na inalagaan ka katulad ng sa itlog na hindi mabasag. Pagkatapos, pina-aral ka nila sa catholic school. Pinapangako ko sa kanila na tayo’y walang kinabukasan. In fact, igigive-up ko ang pagiging magbabakal para sa iyo. At sa wakas naisakatuparan na rin ang pangarap kong may katabi matulog sa estero at sa ilalim ng tulay. Promise ko sa iyo, habang buhay kang iiyak at walang humpay na pagdurusa.  Siyempre, ako ang dream guy mo eh.

Sapagkat ang totoo niyan, ako ay naging mabuting anak. Nag-aral ng mabuti. Naging skolar. Nagkaroon ng magandang trabaho. Pinapangako ko na lahat ng nabanggit sa taas ay hindi mo mararanasan. Ibibigay ko ang lahat ng hiling mo hangga’t kaya ko. Sapagkat sa tuwing ikaw ay nasa tabi ko ay parang isang kapiraso ng langit sa lupa. At ako ang tunay na dream guy mo.

Monday, August 29, 2011

Tad Hannah


Naniniwala ka ba sa tadhana? Naniniwala ka ba sa soul mate? Kung oo, malamang single ka pa rin hanggang ngayon.
       
Pero tama ka. May mga tao pala sa mundo na ang trabaho ay siguraduhin na masusunod  kung ano ang nakalatag sa plano ni Chairman.  In short, kung ano ang itinakda. Pero paano mo makikilala ang taong itinakda sa iyo? Susundin mo ba ang nararamdaman mo sa kasakukuyan? O hayaan mo na lang ang mga tao ni Chairman na sundin ang plano?
credit to google.com for the pic
Siguro nagmahal ka na rin ng totoo. At ang una mong wish ay sana panghabambuhay na ito. Maliban na lang kung si Dolphy o si Robin ka na may maraming chikas. Ang ibig kong sabihin ay yung seryosong relasyon. Sa puntong ito, ang puso mo ay galak na galak. Ang isip mo ay lumilipad sa tuwa. Parang katulad sa mga nababasa mo sa pocketbook. Nagkakaroon ng buhay at kulay ang dati’y mga guhit lang sa isipan mo. Nabubuo ang isang pangarap.  Pero masasabi mo ba na ang taong ito ay hindi pala nakatakda sa iyo kahit ang nararamdaman mo naman ay tama?

May taong hahadlang sa isang 20 years na relasyon ng isang mag-asawa. Ibig sabihin hindi sila ang itinakda. May taong nagkahiwalay pero after 10 years, muling nagkita at nagkatuluyan. Pero hindi pa rin sigurado na sila nga ang bida sa libro ni Chairman.

Binigyan tayo ni Chairman ng freewill o kalayaan sa pagpasya. Marahil isa sa pinakamahalagang regalo mula sa kanya. Lahat daw ng ginagawa mo sa buhay ay bunga ng iyong pagpili. Walang maling desisyon sa buhay. Naging mali lang daw ito kapag pinagsisihan mo.

Sa madaling salita, kapag nasa gitna ka ng crossroad, hindi makokontrol ni Chairman kung saan ka dadaan. Makokontrol lang niya ang mga pangyayari pagkatapos mong pumili.

Ang daming tao sa mundo kaya hindi mawawala ang posibilidad na tanungin natin si Chairman kung tama ba ang nakasulat sa kanyang mahiwagang libro. May tao talaga na handanng isuko ang lahat lalo na kapag ang nararamdam nila ay tama.

Ako naniniwala na ang buhay ko ay nakasulat na. Ako na lang bahala kung gagalingan ko lalo ang paganap o hindi.

Marahil na rin ay nagtatanong ka kung sino si Chairman? Mas maiintidihan mo ako kung napanood o papanoorin mo pa klang ang Adjustment Bureau.

Tuesday, August 02, 2011

Anong Pangalan Mo?

Noong unang panahon, sa batch  nila Ngaksu at Ngata, ang pangalan ng mga tao ay hinahango sa kanilang hitsura, kakayahan, at katangian. Halimbawa kung may hiwa ka sa labi, ang tawag sa iyo ay Ikong Bingot. Kung magaling ka namang sumayaw ang tawag sa iyo ay Aning Batungbakal. At kung nagsasalita kang mag-isa ang tawag sa iyo ay Ngaksu o Ngata.

Sa di kalaunan, dumating ang mga banyaga at nag-improved ang sistema ng pagpangalan sa mga tao. Kinukuha nila ang pangalan sa estado ng buhay at minsan kung saan galing ang mga ninuno mo. Halimbawa, kung may-ari ang isang tao ng isang pagawaan ang maaring itawag sa kanya ay Don Pepot.

Noong November 21, 1849, si Gobernador Heneral Narciso Claveria, ay nag-utos ng isang sistema ng pag-buo ng apelyido sa lahat ng mamamayan. Ang lahat daw ng mga nakatira sa punong-lungsod ay magkakaroon ng apelyidong “A”. Mga second-rate-trying-hard-copycat na mga lungsod o bayan ay bibigyan ng last name na nagsisimula sa B hanggang sa kung ano man ang last letter noon sa alpabeto. Naisip ko lang kung Zaragoza o Zerrudo ang apelyido mo, marahil nanirahan noon ang lolo mo sa pinakamahirap na lugar. So ang mga Aquino at Ayala naman pala ay mayayaman na talaga simula noong unang panahon. Makes sense.

Utak ng mga apelyido natin, Si Boss Claveria
Ang pinakadahilan daw ng sistemang ala-Claveria ay para mapadali ang pagkolekta ng buwis ng bayan at para mapadali rin daw ang kurapsiyon. Pero depende rin daw sa trip ni Claveria noon ay apelyido mo. Kung halimbawa atat na atat ang ermats mong pangalanan kang Tina at Moran ang napili na apelyido ni Claveria, ang labas eh Tina Moran. Parang hindi ako mabubuhay sa pangalan na yan.  

Wala pa rin daw yan si trip na mga tropa nating Tsino at Hapon. Kwento ng guro ko noong Grade 5, ang mga Tsino daw kung magbigay ng pangalan sa anak nila ay depende sa tunog ng mga ceramics, bakal at kung anong bagay na itatapon nila. Halimbawa, isang malaking kawali ang itapon at ang tunong ay Gong Wak Ching, yun ang pangalan mo. Parang nagbibiro lang sila noh pero seryoso daw sila sabi ng guro ko as in walang tumatawa sa kanila. Kaya wag kang magtaka kung may kakilala kang Gong, Sy, Ming, Ching, Chang, at Siopao o Siomai na mga apelyido. Tropa natin yan sila.

Nang dumating si Uncle Sam sa Pinas, eh naging sosyal daw ang mga pangalan natin. Nandiyan si Joe, Peter, Roger at Francisco na mga international version nina Juan, Pedro, Rogelio at Isko. Para sa kumpletong  tawa, basahin niyo na lang ang libro ni Pareng Bob Ong: A B N K K B N P L A ko.

Lately ko lang nakikila ko Suckdeep Patel, ang matinding customer na gumulo sa buhay ng apat na callboys (agent) sa isang travel account sa tapat ng RCBC. Kung bakit, eh basahin mo ang Kwentong Galit. Matatanggap ka kaya sa trabaho kapag ang pangalan mo ay Suckdeep? Siguro mababasted ka rin kung ito ang pangalan mo. Parang habangbuhay kang kinulong sa pangalan na yan.

Pero sa maniwala ka man o hindi, meron pala talagang apelyidong makupal. Si Mr. Cupal, isang sekyu malapit sa Postal Office sa Maynila. Hindi naman siya mayabang. Sabi niya “Apelyido lang naman ito at hindi ito naglalarawan ng aking pagkatao”. Tama nga naman siya. Ikaw mismo ang humuhubog sa pagkatao mo at hindi ang pangalan o ang apelyido mo.

Sabi nga ng idol Lourd De Veyra, okey lang kung apelyido mo ay Cupal, kesa naman sa Ampatuan. Mas sakim kung Arroyo. At sa akin, buti na lang hindi ko ka-apelyido si Angel Locsin. O si Georgina Wilson.

Ikaw dre, anong pangalan mo?

Monday, August 01, 2011

Ang Ref Namin


Noong Grade 3 ako, bumili ang Nanay ng ref. Bago magsara ang pinto, sinisilip ko ang loob para malaman kung bakit namamatay ang ilaw. Siguro ikaw din noon at kung may ref din kayo. Tinanong ko ang Nanay kung bakit. Hindi siya nakasagot.

Noon ko nalaman na may mga bagay din pala na hindi basta basta masasagot ng mga nakakatanda.

Matanda na ako at marami pa ring tanong ang hindi masagot kahit ng teacher ko. Sabi nila, dalawang tanong daw ang dapat mong sagutin pagkatapos kang isilang. Ang tanong kung “Bakit nandito ka?” at “Ano ang silbi mo dito”?.  

Tulad na lang ng Pag-ibig. Marami ang nagtangka na ilarawan ito. Marami ang sumubok na bigyang kahulugan ito. Halos lahat na rin siguro ay nakaramdam nito, liban na lang kung robot ka. Pero isa ang malinaw. Marami pa rin talaga ang nalilito, nabubuwang, nagdurusa, mas marami ang masaya pero marami rin ang namamatay. Sa dahilang bigo pa rin tayong sagutin ang tunay na kahulugan nito.

Tulad din ng Kapangyarihan. Bakit may kurap? Bakit may nang-aabuso ng kanyang pwesto? Bakit gusto pa rin ni Gloria maging kongresman pagkatapos niyang sabihin hindi na siya uupo sa anomang pwesto sa gobyerno? Kahit saan talaga ay may pulitika at ang dumi nito. Kung kumapit sa damit mo ang pulitika tiyak na mamamantiyahan ang pagkatao mo. Bakit hindi naging bisor si Joewary? Bakit naging manager si _____?

Tulad na lang Sugat. Paano ito naghihilom? Bakit kailangan niyang mag-iwan ng marka? Bakit kapag nasaktan ang puso, kahit walang dugo ay masakit pa rin? Kapag nasugatan tayo, bakit tayo umiiyak? Bakit may umiiyak sa sobrang tuwa kahit wala namang sugat?

Tulad ni GOD. Naniniwala ka ba meron? Kung hindi, bakit naman? Kung meron nga, nakita mo na ba siya? Bakit ka naniniwala? Siguradong akong alam niya ang kahulugan ng Pag-ibig. Sigurado akong may Kapangyarihan siya. Sa ganang akin, sapat na paghilom ng isang sugat para patunayan na merong Diyos.

Marami pa akong tanong. Ikaw din marahil ay may mas maraming tanong. Ang buhay ay mahiwaga at abnormal ka kung hindi ka nagtatanong.  

Sa ngayon, Siya pa lang nakaalam kung bakit andito ako at ano ang silbi ko. Pero ang sabi ng nanay ko namamatay daw ang ilaw ng ref kapag sinasara at umiilaw naman kapag binubuksan ay dahil merong araw at gabi na ginawa ang Diyos. Malalim man ay parang alam ko na.