Noong panahon ng depresyon, may isang magiting na probinsyano ang
sumubok na iligtas ang mundo sa tiyak na kapahamakan. Siguro kung ire-enactment
natin ang mga sagupaan niya ay parang nanood tayo ng 300 at Troy sa isang
pelikula. Ganoon siya kalakas. Kung ihambing naman natin ang buhay niya sa mga
kwento sa libro ay parang nagbasa ka ng talambuhay ni Pareng Bonaparte. Ganyan
siya ka-maimpluwensiya.
Siya si Boy
Lapot.
Wala pang nakakasaliksik sa tunay na misteryo na bumabalot sa
kanyang pangalan. Basta na lang pagsilang ay tinawag na siyang Boy Lapot.
Ang katotohanan niyan ay stepping-stone niya lang ang pagiging
barako. Bading talaga siya at nagtatago sa pangalang Geisha. Hindi loko lang!
Nagbabalat-kayo lang syang maging superhero pero ang totoong sinusumamo ng
kanyang damdamin ay ang pagsusulat. Bata pa lang daw, kwento ng kanyang Nanay
Auring ay nauubos ang stock ng abaca nila sa pagawa ng papel para masulatan niya.
Aniya pa ng kanyang Tatay Mando nang tanungin siya ng kapitbahay tungkol sa
talent ng anak, “Di ko nga alam, basta noong maliit siya, mahilig na siya
magbasa nang Taliba at People’s Tonight. Minsan, Hiwaga Komiks 'pag sorang
bagot na siya.
Kung mapag-usapan naman ang looks ay hindi rin magpapahuli si Boy
Lapot. Ayon sa nakasaksi sa isang madugong laban niya sa Sapa ng Cabasi,
matipuno daw ang katawan nito. Hindi raw nagkakalayo ang diet nila ni Machete
pati na ang vital stats. Mataas daw ang hairline nito pero in fairness
hindi siya nakakalbo, napapanot lang. Medyo mahaba daw ang buhok niya dati, ang
hati ay ala Rizal. Moreno pero dahil trending ang pagpapaputi eh sinubukan nya
rin minsan gumamit ng Likas Papaya. At ang kapansin-pansin sa lahat ay ang marka
sa kanyang batok na hugis L. Nagkakamali ka, hindi ito tattoo ng unang letra ng
kanyang pangalan. Pinaniniwalaan daw na kapag nakita ito ng mga kababaihan ay
may kung anong kamundohan ang pumapasok sa isip nila.
Pero dahil nga malakas ang tawag ng pagsusulat ay tinalikuran na
niya ang pagiging mandirigma at ang pagiging likas na habulin ng babae.
At dito pa lang nyo masasaksihan ang tunay na Boy Lapot Show. Ang pinaka engrandeng show sa buong mundo.