Monday, July 08, 2013

The Boy Lapot Show

Noong panahon ng depresyon, may isang magiting na probinsyano ang sumubok na iligtas ang mundo sa tiyak na kapahamakan. Siguro kung ire-enactment natin ang mga sagupaan niya ay parang nanood tayo ng 300 at Troy sa isang pelikula. Ganoon siya kalakas. Kung ihambing naman natin ang buhay niya sa mga kwento sa libro ay parang nagbasa ka ng talambuhay ni Pareng Bonaparte. Ganyan siya ka-maimpluwensiya.

Siya si Boy Lapot.

Wala pang nakakasaliksik sa tunay na misteryo na bumabalot sa kanyang pangalan. Basta na lang pagsilang ay tinawag na siyang Boy Lapot.
  
Ang katotohanan niyan ay stepping-stone niya lang ang pagiging barako. Bading talaga siya at nagtatago sa pangalang Geisha. Hindi loko lang! Nagbabalat-kayo lang syang maging superhero pero ang totoong sinusumamo ng kanyang damdamin ay ang pagsusulat. Bata pa lang daw, kwento ng kanyang Nanay Auring ay nauubos ang stock ng abaca nila sa pagawa ng papel para masulatan niya. Aniya pa ng kanyang Tatay Mando nang tanungin siya ng kapitbahay tungkol sa talent ng anak, “Di ko nga alam, basta noong maliit siya, mahilig na siya magbasa nang Taliba at People’s Tonight. Minsan, Hiwaga Komiks 'pag sorang bagot na siya.

Kung mapag-usapan naman ang looks ay hindi rin magpapahuli si Boy Lapot. Ayon sa nakasaksi sa isang madugong laban niya sa Sapa ng Cabasi, matipuno daw ang katawan nito. Hindi raw nagkakalayo ang diet nila ni Machete pati  na ang vital stats. Mataas daw ang hairline nito pero in fairness hindi siya nakakalbo, napapanot lang. Medyo mahaba daw ang buhok niya dati, ang hati ay ala Rizal. Moreno pero dahil trending ang pagpapaputi eh sinubukan nya rin minsan gumamit ng Likas Papaya. At ang kapansin-pansin sa lahat ay ang marka sa kanyang batok na hugis L. Nagkakamali ka, hindi ito tattoo ng unang letra ng kanyang pangalan. Pinaniniwalaan daw na kapag nakita ito ng mga kababaihan ay may kung anong kamundohan ang pumapasok sa isip nila.

Pero dahil nga malakas ang tawag ng pagsusulat ay tinalikuran na niya ang pagiging mandirigma at ang pagiging likas na habulin ng babae.  At dito pa lang nyo masasaksihan ang tunay na Boy Lapot Show. Ang pinaka engrandeng show sa buong mundo.


No comments: