Disclaimer: Ito ay second-hand na kwento lang. Narinig lang
ito ni Boy Lapot sa maingay na feeling pogi pa na pasaherong kasabay niya sa
bus. Pero hindi siya ang bida natin. Ito ay ang love story ni Iskaw at Iskay.
Huwag nating gawing real time. Ibabalik natin sa panahon ng mga taong-kweba.
Trip lang.
Noong panahon ng mga taong-kweba, tuwing Araw ng mga Puso ay
nakaugalian na ng mga mag-iirog na lumabas naman ng bahay para mamasyal. Oo,
tama ka. May Valentine’s Day na noon. Yung iba umaakyat ng bundok at doon sabay
panoorin ang paglubog ng araw. May pumupunta sa ilog, sa lawa, sa kapatagan ,
at pag sobrang boring yung iba nagmo-mall na lang. Pero naisip naman ni Iskaw
at Iskay na pumunta sa gubat at sabay na manghuli ng
baboy ramo, baboy-maitim at baboy-bulaklak. Mamaya ko na explain kung nagtataka
ka kung ano ang baboy-bulaklak.
Lumipas ang mga sumunod na Araw ng mga Puso, parang nag-sawa
na ang mga taong-kweba sa ganitong lifestyle. Dahil bored na, nagtry mag-gym ni
Iskaw at dito niya nakilala ang dilag na si Barbastra na may 300 followers
(populasyon sa barangay ng mga taong-kweba) sa Twitter. Sa sobrang masayahin ni
Barbastra ay nahulog ang loob ni Iskaw sa kanya. Dahilan kung bakit bihira na
lang sila magkita ni Iskay.
Sa di kalayuan, mga tatlong kweba lang ang pagitan, ay busy
rin pala si Iskay sa kaka-Facebook. Doon
ay nakilala niya si Petrovovino (Vino na lang, mahaba i-type eh). Si Vino ay cute,
mabait, at cute ulit. Siya din ang dahilan kung bakit okey lang na bihira
i-eyeball si Iskaw.
Sumapit na naman ang Araw ng mga Puso. Niyaya ni Iskaw si
Iskay na i-celebrate ang araw sa kuwebatel. Kweba nga noon di ba, kaya tawag
nila sa hotel ay kuwebatel.
“Para maiba naman, punta tayo doon”, anyaya niya sabay turo sa may kweba na may poster ng Haponesang
sumensenyas na “Huwag kang maingay”.
Pero ang hindi alam ni Iskaw na nauna na pa lang umimbinta
si Vino dahil member pala siya doon at naka-avail na ng previlige card. Kaya
nagdahilan si Iskay.
“Ah, yoko doon. Gusto ko pa rin yung dati”, paliwanag niya.
“Ah ganoon ba, sige
next time na lang, may lakad din ako eh”, sagot ni Iskaw.
“Okey”, may timpla ng galak na tugon ni Iskay.
Ganoon sila kadaling kausap.
Dahil sa kaganapan,natuwa tuloy si Iskaw. Pabor daw sa
kanya. Alam niya kasi na medyo conservative ang shota niya (Damuho ka, yun ang
alam mo). At dahil na rin sa nauna niyang niyaya si Barbastra pumunta doon.
Kinagabihan. Todo-bihis ang dalawa na ngayon first time
hindi magkasama sa espesyal na araw. Si Iskaw kasama si Barbastra. Si Iskay
ka-date si Vino. Parehong tutungo ng kuwebatel.
(Kapit. Dito na ang climax.)
Saktong pagdating sa entrance ay parang may namukhaan agad
si Iskay habang mahigpit na pumupulopot sa braso ni Vino.
“Iskaw?”. Malakas na sigaw ni Iskay na na magkaholding hands
na ngayon kay Vino.
“Iskay?” Mas malakas na sigaw pero patanong na sagot ni
Iskaw na kunyari ay hindi siya guilty at parang siya daw pa ang galit.
Doon na lalong nagsimulang tumaas ang kanilang boses at nagkasakitan. Habang ang
dalawang kasama nila ay walang kaalam alam sa mga nangyayari. Nakiusyoso tuloy
ang mga madlang people. Napatanong tuloy si Aling Ikang, “Sino iyang mga batang
yan?”
“Sila Iskaw at Iskay po”.
Simula noon, ang tawag sa mga taong tumataas ang boses at
nagkakasakitan ay Iskawiskay. Pero dahil masyadong mahaba nag-meeting ang
madlang people na ito’y gawing Kawkay. Lumipas ang isang taon, parang baduy at
mahaba pa rin daw. Kaya inakyat na ang hearing sa barangay general assembly at
napagdesisyonan na gawin na lang Aw-ay. At kinalaunan naging Away.
(Siguradong may matamaan, kaya tabi-tabi po. Baka rin may maka-relate, atin atin lang 'to ha.)
No comments:
Post a Comment