Tuesday, February 22, 2011

Si Maingay at Maarte

Simulan natin ang kwento sa magandang mood.

Alas otso ng umaga. Walang trapik sa Ayala. Katamtaman lang ang init ng araw. Magagandang makati office girls ang nakakasalubong mo sa pagtawid sa kanto ng Buendia at Ayala. At dahil dito hanggang tenga ang ngiting-aso ni Boy Lapot.

Kailangang ang kaunting paunawa para sa susunod na kabanata.

Heto na nga. Pormadong nakaabang ng bus si Boy Lapot. Naka-stripe Folded and Hung light purple na long-sleeve pero three-fourths fold, navy blue na maong at Adidas superstar na sneakers. Pero hindi ang porma ni Boy Lapot tungkol ang kwento natin. At sa tono ng sulat na ito, ay hindi rin siya nagmamayabang.

Kaya heto na nga. Nakasakay na siya sa bus. Nakita niya na medyo masikip sa una hangang pangatlong hanay ng upuan kaya dumerecho siya sa bandang likod kung saan solo-flight niya ang upuan. Pero bago pa umupo si Boy Lapot ay parang pahapyaw na dinaanan ng tenga niya ang ingay mula sa pangalawang hanay ng mga upuan. Nang makapwesto na ay agad niyang sinipat ang damuhong  iyon. 


Isang lalaki at may katabing dalawang chicks kapag nakatalikod.  Si lalaki ang bangka sa usapan. Mga apat na row ang agwat ni Boy Lapot sa kanila pero maririnig niya ng malinaw kung ano ang topic nila. Kung baga sa sinehan, 3D ito. At kung sound quality, naka-Dolby ito.  Lagyan natin ng subtitle ang palabas:

Lalaki: “Nabuwisit ako doon sa customer. Todo assist na nga ako, minura pa ako. Sabi daw dapat may discount siya kasi matagal na siyang client”. (Malakas pa kay Mike Enriquez ang delivery niya nito ha.)

Tapos bigla siyang nage-english. Ang naiintindihan lang doon sa sinabi niya ay “whatever”. Walang duda, call center agent ‘to, ang naisip ni Boy Lapot. Habang si babae:

Babae1:  “Oo nga. As if parang, you know, like as in sila pa yung galit”. (Kulang na lang lahat ng simile at metaphor lagay niya para may tula na siya. Mas maarte pa kay Kris Aquino).

 Eto pa mas matindi:

Babae2: “Wa ko kebers sa mga pax (customer) na  yan”. (Ay sorry, hindi pala siya babae. Nakatalikod kasi eh).

Nang may bumaba sa LRT Buendia, lumipat ng pwesto si Boy Lapot dahil nahihiwagaan siya sa mama sa kabilang upuan. Para kasing may maitim na balak. Pero para lang pala. Dami kasing laman ang bag niya eh. Nang bumaba sa bandang DFA ay nalaman ni Boy Lapot na construction worker pala siya doon sa ginagawang condo malapit sa MOA.


Mabalik tayo sa usapan. Noong lumipat na si Boy Lapot, pumuwesto siya doon sa kabilang upuan same row ng mga kontrabida.  Tuloy pa rin sa kwento si Maingay pero same topic pa rin at this time medyo dumetalye siya nang konti. Naisip ni Boy Lapot, di siguro maka-move on ang damuho.
 
Pero kung isa ka sa mga pasahero ng bus, iinit talaga ang ulo mo. Kasi feeling talaga nila, sila lang ang tao doon. At hindi pa nakuntento ang Lalaki at Babae1 (OP na kasi si Babae2, a hindi pala babae) kahit nakakasugat na sa talim ang tingin ng ibang pasahero. Nagharutan pa ang mga walang hiya. Ang haliparot naman na babae, tumitili pa. Okey sana kung shooting ni John Loyd at Toni ito sa MRT pero hindi eh. Mukhang baso yung lalaki eh. Yung girl naman, hindi naman mataba, chubby lang.

Sa sobrang init ng ulo ni Boy Lapot, bumaba siya. At habang papalayo, mga 10 steps away ay biglang...

BOOOMMMM. KABLAAMM.

Patuloy lang sa paglakad si Boy Lapot na parang walang nangyari sabay tingin sa hawak niyang detonator.

No comments: