Noong Grade 3 ako, bumili ang Nanay ng ref. Bago magsara ang
pinto, sinisilip ko ang loob para malaman kung bakit namamatay ang ilaw. Siguro ikaw din noon at kung may ref din kayo. Tinanong ko ang Nanay kung
bakit. Hindi siya nakasagot.
Noon ko nalaman na may mga bagay din pala na hindi basta
basta masasagot ng mga nakakatanda.
Matanda na ako at marami pa ring tanong ang hindi masagot
kahit ng teacher ko. Sabi nila, dalawang tanong daw ang dapat mong sagutin
pagkatapos kang isilang. Ang tanong kung “Bakit nandito ka?” at “Ano ang silbi
mo dito”?.
Tulad na lang ng Pag-ibig. Marami ang nagtangka na ilarawan
ito. Marami ang sumubok na bigyang kahulugan ito. Halos lahat na rin siguro ay
nakaramdam nito, liban na lang kung robot ka. Pero isa ang malinaw. Marami pa
rin talaga ang nalilito, nabubuwang, nagdurusa, mas marami ang masaya pero
marami rin ang namamatay. Sa dahilang bigo pa rin tayong sagutin ang tunay na
kahulugan nito.
Tulad din ng Kapangyarihan. Bakit may kurap? Bakit may
nang-aabuso ng kanyang pwesto? Bakit gusto pa rin ni Gloria maging kongresman
pagkatapos niyang sabihin hindi na siya uupo sa anomang pwesto sa gobyerno?
Kahit saan talaga ay may pulitika at ang dumi nito. Kung kumapit sa damit mo ang
pulitika tiyak na mamamantiyahan ang pagkatao mo. Bakit hindi naging bisor si Joewary?
Bakit naging manager si _____?
Tulad na lang Sugat. Paano ito naghihilom? Bakit kailangan
niyang mag-iwan ng marka? Bakit kapag nasaktan ang puso, kahit walang dugo ay
masakit pa rin? Kapag nasugatan tayo, bakit tayo umiiyak? Bakit may umiiyak sa
sobrang tuwa kahit wala namang sugat?
Tulad ni GOD. Naniniwala ka ba meron? Kung hindi, bakit
naman? Kung meron nga, nakita mo na ba siya? Bakit ka naniniwala? Siguradong
akong alam niya ang kahulugan ng Pag-ibig. Sigurado akong may Kapangyarihan
siya. Sa ganang akin, sapat na paghilom ng isang sugat para patunayan na merong
Diyos.
Marami pa akong tanong. Ikaw din marahil ay may mas maraming tanong. Ang buhay ay mahiwaga at abnormal ka kung hindi ka nagtatanong.
Marami pa akong tanong. Ikaw din marahil ay may mas maraming tanong. Ang buhay ay mahiwaga at abnormal ka kung hindi ka nagtatanong.
Sa ngayon, Siya pa lang nakaalam kung bakit andito ako at
ano ang silbi ko. Pero ang sabi ng nanay ko namamatay daw ang ilaw ng ref kapag
sinasara at umiilaw naman kapag binubuksan ay dahil merong araw at gabi na ginawa ang
Diyos. Malalim man ay parang alam ko na.
2 comments:
ikaw na may ref nung grade 3 kayo..hahaha :) chos..nice one.. talino mo!!~ trinity
salamat trinity sa iyong makabuluhang komento..mabuhay ka
Post a Comment