Friday, October 25, 2013

Isang Taon

Matagal ba ang isang taon?

Ayon sa classmate kong scientist na ngayon, ang isang taon sa mundo ay  365.24 na araw o 8,765 na oras, o 526,000 na minutos, o 31.6 milyong segundos. Anak ng beki, matagal nga. Sampung minuto ka nga lang sa maipit sa trapik pakiramdam mo ay parang 28 years na. Pero dumi lang sa kuko ang isang taon natin kumpara sa Neptune. Ang isang taon doon ay katumabas ng 165 years natin dito. Musta naman ang trapik doon?

Ang dami ko pa lang nasayang na oras, minutos at segundos kung ganoon. Marami na sana akong nasulat na post sa blog na to.

Pero sa kabilang banda, hindi ko naman masabing na natapon lang yung isang taon ko. So anong pinagagawa ko?

1.       Nagpunta ako sa gym. Nagpalaki ako ng betlog ko este ng katawan ko. Minsan kasi feeling ko naliitan sina Aljur at Jake Cuenca sa katawan ko eh. Hindi ko maiwasan isipin na “Insecure kaya sila sa akin?”
2.       Busy ako. Nagbibilang kasi ako ng kamel dito gitnang silangan. Kung saan ang ulan ay pwede mong bilangan. At ang buhangin ay mas sagana pa sa tubig.
3.       Focus ako sa trabaho. Tumal kasi ang pagbubugaw ko sa Baclaran eh. Kelangan mag-ipon, kelangan kumita, kahit isang oras na OT pinatulan ko na. Mahigpit ang pangangailangan ko.
4.       May bago akong hobby. Oo, naki-uso ako sa mga sinasabi nila “maniniyot”. Parang bastos di ba pero yun yung tawag nila sa “Photographer” sa probinsya.
5.       Kelangan bumili ng gatas. Oo, ang isang taon ay inalay at binuhos ko sa aking anak. Isang lingo ko lang siyang nakapiling at pagkatapos noon ay naggym ako, napadpad sa gitnang silangan para magbilang ng kamel at naging maniniyot para kumita ng extra.

Siguro naman ay maunawaan ako nila Rizal at Shakespeare kung pansamantalang iniwan ko ang pagsusulat. No big deal. Wala namang may nag-utos sa akin at wala naman akong bayad para magsulat.

Ang isang taon ay matagal. Marami ang nangyayari sa isang segundo. May namumukadkad na bulaklak, may sumusulpot na bagong planeta dahil sa mga supernova, may humigit-kumulang na 40 na kidlat sa buong mundo ang nagaganap sa isang segundo, may libo-libong Facebook status ang na-uupdate, may puno na napuputol, may naiinlab sa isang segundo, may namamatay at higit sa lahat may bagong buhay ang nabubuo sa bawat segundo.
Yung Unica Hija ko.
Magiging isang taon na ang anak ko sa Nobyembre at parang kelan lang. Hindi naman pala matagal ang isang taon.


No comments: