Sunday, October 27, 2013

Pakpak

Gusto kong lumipad. Kaya mo ba akong dalhin sa malayo? Bigyan mo ako ng bituin para aking abutin. Sabihin mo sa akin kung ano kailangan gawin para makamit ang tagumpay. Kaya bang bilhin ang isang pangarap?

Sa taas ako ng puno ng balimbing noon ng una akong nagkamuwang sa mundo. Nakatingin ako sa mga ulap. Parang abot kamay ko ang langit. Sabi ko gusto kong maging doktor, gusto kong maging siyentipiko, gusto kong maging businessman. Hindi, sabi ko gusto kong maging isang arkitekto.

Pagkababa sa puno, tinanong ko si nanay. Bakit po wala tayong kotse? Bakit po wala tayong colored TV? Pero hindi nya nasagot ang tanong ko, “Bakit po mahirap tayo?”

Kargador ang aking ama. Nasa ikalimang baitang ako noon ng aking malaman. Ang pagkaalam ko noon ay salesman siya sa isang shoe company. Siguro nagsinungaling siya para hindi ako mapahiya sa aking mga kaklase. College na ako ng makita ko kung ano mismo ang ginagawa niya doon. Tumatagaktak ang pawis at parang puputok na ang mga ugat sa ulo. Nakaya niya buhatin ang tatlong sako ng mga sapatos ng sabay-sabay.  Minsan, sinabi ko sa kanya “Tay, hindi ka ba napapagod? Hindi ka ba nahihiya maging kargador?” Imbes na sana’y pagsabihan ako, isang makahulugang ngiti ang sagot niya sa tanong ko.

Sa bahay lang ang aking ina. Magaling siyang manahi. Masarap magluto. Ngunit nadiskubre ko ang hidden talent niya noong nawalan ako baon. Finals ko noon. Sa sampung minuto ay nakahanap agad siya ng mautangan. Pero hindi na ako natuwa sa kanya kasi parang araw-araw na niyang ginagawa. May pagkakataon na hindi na lang ako pumasok.  Minsan, sinabi ko sa kanya “Nay, hindi ka ba napapagod? Hindi ka ba nahihiya manghiram ng pera?” Imbes na lumuha, isang makahulugang ngiti ang sagot niya sa tanong ko.

Sa parehong pangyayari, hindi ako lumuha. Nag-aral ako ng mabuti. Hindi man ako nakabili ng mga libro noon, kahit nalilipasan ng gutom sa klase, kahit hindi nakakasama sa mga school outings, at kahit parating late o absent kasi walang pamasahe ay hindi ako nanghinaan ng loob. Balewala ito sa ginagawa ng magulang ko. Oo, hindi ako lumuha kasi pinigilan ko. Kasi nakita ko ang milagro sa kanila. Dahil sa totoo lang hindi ko pa rin lubos maisip hanggangg nagyon kung paano ako nakapagtapos ng pag-aaral.

Tinanong ko si nanay. Bakit hindi tayo mayaman? Niyakap niya ako. Nilapitan ko si tatay at tinanong. “Tay bakit po wala tayong kotse”. Tinapik niya lang ang balikat ko at sinubo ang sa akin ang mainit na pandesal.

Noon nalaman ko na hindi pala kami mahirap. Mayaman ako sa pagmamahal at punong-puno ako ng pag-aaruga nila. Wala nga kaming kotse pero kaya nila akong buhatin para maabot ang aking pangarap. Wala nga kaming colored TV pero pinakita naman nila sa akin kung gaano kasarap mabuhay.

Ngayon sa lilim ng puno ng akasya, pansamantala akong tumigil sa takbo ng buhay. Naisip ko na gusto ko ng simpling buhay. Yung may malaking bahay, lima ang kotse, touch screen lahat kahit pagflush ng inidoro, at may helipad pero wala lang helicopter. Ang pangarap ko lang naman ay ibigay ang buhay na wala kami noon sa aking anak. Ibigay ko ang gusto niya hangga't makakaya. Simpleng buhay lang talaga. Ayaw kong maging mayaman. 

Gusto kong lumipad para abutin ang bituin ng aking mga pangarap.


No comments: