Friday, October 18, 2013

The Return of the Comeback

Ito ba yung tinatawag nilang writer’s block? Yung isang araw biglang mo na lang tinapon ang panulat mo. O kaya naubusan ka ng tinta. O kaya dahil may bago ka ng pinagkakaabalahan?

Yung huling totoong sinulat ko ay ang Unica Hija. Setyembre 17, 2012. Ito ay tungkol sa isang ama na hinihintay ang araw ng kapanganakan ng kanyang anak.

So, anong petsa na ngayon?

Ang katunayan niyan ay araw-araw na binabaha ang utak ko ng mga gustong kong isulat. Hindi ko alam kung tinamad lang ako o nawalan na ako ng ganang ilatag ang mga hinuha ko sa papel. Minsan, kating-kati na akong ibuhos lahat ng mga ito para naman gumaan naman ang utak ko. Pero para akong estudyante na gustong makapasa sa pagsusulit pero tamad naman magsunog ng kilay. Parang gustong kong manood ng sine, pero wala namang pera.

Ang buong ginawa ko lamang ay basahin ng makailang beses ang lahat ng sinulat ko. Nagbabakasakaling na muling masindihan ang kamay ko at magkaapoy ang utak ko sa hangaring sumulat muli.

Nalaman ko na hindi pala ako nag-iisa. Salamat naman. Muntik ko ng ibaba ang kurtina sa gitna ng pagtatanghal. Nabasa ko sa pambalot ng tuyo na si tropang Da Vinci pala ay minsan ding tinamad. Mga ilang araw din daw siyang nagkulong sa kwarto niya. Sarado ang bintana at itim ang mga kurtina.  Pero yung itim na kurtina, masyadong na OA yun ha. Siguro part-time call center agent tong si Da Vinci. May mga chismis daw na hindi rin sya naliligo ng ilang araw. Kadirs!

Pero hindi ganoon nangyari kay pareng Eminem noong nawala siya sa industriya. Siya naman ay medyo nalulong sa mga pinagbabawal na gamot. Mga tatlong taon din hindi kuminang ang kanyang bituin. Ayong sa Bio, isang dokumentaryo tungkol sa buhay ng tao, nagising na lang daw siya sa hospital at may mga tubo, dextrose at kung ano pang nakakabit sa kanya. Maririnig mo rin ang kwentong ito sa kanta niyang “Going Thru Changes”.

Subalit parang boomerang, si Da Vinci at Eminem ay parehong bumalik. Binuksan ang bintana. Lumabas ng hospital. Dahil sa gusto nila ang ginagawa nila. Passion kung tawagin. Pagmamahal sa sining. Tiyak akong marami pang mga katulad nila.

Nakakamiss ding magsulat. Ito kasi ang isa sa mga “passion” ko. Mahigit isang taon ding natuyot ang blog na to. Ngayon magpapaulan ako ng mga kwento para madiligan ang tinanim kong mga salita noon. At malamang ngayon, nahulaan mo na kung sino si Renato sa Unica Hija. Kung bibilangin natin ay malapit ng maging isang taon yung batang yun.
pix from google.com
Kaya katulad din ng mga idol kong si Da Vinci at Eminem, may return of the comeback din ako. Sabi ng hinahangan kong manunulat na itago natin sa pangalang LM, ay magaling din naman daw ako. Ako bilang hamak na nagsisimula pa lamang, naniniwala naman agad. Oo, magtiwala ka lang. Kahit na ang ikaw na lamang, magtiwala ka na magaling ka.  Dahil ang tunay na manunulat, walang paki-alam sa sasabihin ng iba. Dahil ang tunay na nagmamahal, walang paki-alam sa sasabihin ng iba.

Patuloy lang tayo. Meron pa akong tinta. Hawak ko pa rin ang panulat ko. At nagtatae ang ballpen ko kanina pa.


No comments: