Di naman talaga ako panot, mataas lang ang hairline
ko. Pero habang tumatanda tayo di maiwasan na maapektuhan ang growth o
metabolism ng ating mga chromosomes, atoms, molecules, at barbecules. Sa huling
bilang ko kahapon, 45 yung hair follicles sa bangs ko. Ngayon, 36 and 1/8 na
lang. Deym, napapanot na ako!
Mayayabang tong mga nag-advise sa akin. Ang words of
wisdom nila eh okey lang daw yun, kasi napapalitan at tutubo daw ang mga new
hair sa spot na yun. Putek, anong petsa na, bakanteng lote pa rin sila. Napakanta
tuloy ako ng April Boy: “Di ko kayang tanggapin, na mawawala ka na sa akin”.
Charot lang. Iilang piraso na nga lang yung buhok ko, unti-unti pa silang nagsipag-alsa
balutan. Ang dating makapal na kagubatan ko ay naging runway ng airport na
ngayon.
Dahil dito, matindi at katako-takot na paliwanag
ngayon ang gagawin ng tatay ko. Nakalbo na rin sya. Obvious ba na sa kanya ako
nagmana? Tinanong ko naman sya kung kanino sya nagmana, sabi nya sa lolo ko,
yung tatay nya. Anak ng, sa lahi pala talaga namin ito. Pwede naman akong
magmana kay nanay na noong dalaga pa ay hanggang tuhod ang buhok. Siguro
kapatid ni Nanay si Rapunzel. Pero bilib din ako kay tatay. Never daw sya
nagkaroon ng bad hair day. Naks, ikaw na!
Kaya nag-research ako, baka sakaling may solusyon.
Nagtanong din ako sa mga tambay sa kanto. Nakipagbatuhan ng mga kwento sa mga
antigong barbero sa nayon. Nakipagkerendengan sa mga chismosang beke sa parlor.
Hinalugad ko pati yung mga enkanto sa gubat at nakipagsapalaran sa mga
manghuhula sa Baclaran pero isa lang sinasabi nila. Wala ng pag-asa. Kahit
ibenta ko pa daw yung kaliwang betlog ko. Ang maganda ko daw gawin ay tanggapin
na lang ang mapait na katotohanan.
Ang payo naman sa forum online na imbes daw na
malungkot ako, gawin ko daw syang asset. So ano to, parang Bembol Rocco lang
ang peg? O kaya si Larry Silva aka Pipoy na sidekick minsan ni Vic Sotto sa mga pelikula? Mas nakakatawa daw yung joke kapag kalbo yung nagdeliver. Nabasa ko
rin na minsan, bald is sexy daw. Kaya pala malakas ang datingan nila Derek
Ramsey, Eminem at tito Boy Abunda. Sa psychology naman, ayon ito sa kainuman ko dati na si Sigmund Freud, nape-perceive
daw ng mga babae na mukhang betlog yung ulo ng lalaki kapag kalbo kaya daw
nakadagdag ng sex appeal. Ahh kaya pala. Makapagkalbo na nga mamaya.
Sinong nagsabing napapanot na ako, di ko papuntahin sa
bertday ko. Di ako nakakalbo oi, sadyang malakas lang talaga ang sex appeal
ko. Booom!
No comments:
Post a Comment