Thursday, February 27, 2014

Master Chef

Dito lang din akong natutong magluto sa lugar kung saan ang mga gulay ay tumutubo sa bato at ang mga sangkap ay hinuhukay pa sa buhangin. Pero kahit salat at ang lasa ay kakaiba, lumitaw ang bagong katapat ni Chef Boy Negro este Logro pala. Maliban pala sa pagkukulot ng buhok, may talent din pala ako sa pagluluto. Ngayon ko lang nadiscover. Charot!

Name it and I will cook it. Adobo, nilaga, tinola, kaldereta at mechado, sisiw lahat ng yan. Yung adobo ko lasang sunog na asukal. Yung nilaga, lasang plywood. Mapapa “Yum, yum, yum” ka sa sarap talaga. Nakupo, lalo na kapag natikman mo ang specialty ko: ang sinabawang tubig. Ito ang pinakatago-tagong recipe na minana ko pa sa lolo ng lola ko. Madali lang itong gawin pero kelangan ng buong konsentrasyon at sabi nga nila para sumarap ang luto, lagyan ng konting “love”. Magpakulo ka lang tubig. Lagyan ng 3 tablespoon ng asin. Takpan maagi at magbasa muna ng horoscope. Tapos budburan ng magic sarap. Presto may sinabawang tubig ka na.

Walang biro, mahirap talaga maghanap ng mga sangkap sa lulutuin dito. Kung meron man, una mahal. Pangalawa, malayo ang bilihan. One time, niyaya ako ng mga kasama ko sa wet market kung saan meron ding pwesto ang mga Pinoy. Parang bata na binigyan ng kendi, natuwa ako kasi nakakita ako ng mga gulay na sikat sa Bahay Kubo.  Kung i-convert sa pera natin ganito ang maging kalakaran.

3 pirasong sitaw – 20 pesos
4 na pirasong kamatis – 30 pesos
¼ kilo ng sibuyas – 50 pesos
¼ kilo ng bawang – 50 pesos
1 maliit na upo – 20 pesos
1 tali ng pechay/spinach – 10 pesos
4 na pirasong patatas – 30 pesos

Napapamura ka talaga sa mahal eh, tangena nyan. Ano to ginto? Tsaka ang talong nila dito, nasobrahan  sa gym, may mga muscles. Yung talong nila parang bicep ni Arnold (haba ng last name eh), maikli at pabilog. Di katulad sa atin na pahaba parang etits ng kabayo. Hehehe. Mas nakakatawa yung broccoli nila, parang mga abs ni The Hulk.

Gusto mong magtinola kaso mahirap naman maghanap ng green papaya. Ang meron dito double-dead ripe papaya, yung malapit ng mabulok. One time, trip ko sanang magluto ng sinigang, deym pahirapan ding  maghanap ng kangkong, gabe, at talong. Nakaimbento tuloy ako ng bagong putahe, ang sinigang na ube. Kaso di ako  lang alam kung kelan ko hahanda: sa  meryenda ba o sa hapunan?

Tibay din ng sikmura ko kasi kahit paulit-ulit lang ang ulam, di pa rin ako nagsasawa. Okey okey nagsinungaling ako. Nakakasawa na ang parating manok, konti na lang tutubuan na ako ng pakpak. Bawal kasi ang baboy dito. Di lang kukurutin ang kaliwang nipples mo, pugot ulo ka dito. Gusto ko na talaga ng baboy. Lechon, adobo, sinigang, inihaw na liempo, porkchop, sisig, at dinuguan. Shetness, nakakamiss ang baboy. Sige, cholesterol pa!

Mahirap talaga mapalayo sa nakasanayang mong luto at lasa. Kaya lahat dito self-study. Meron namang Youtube para maging assistant chef mo. Wag kayong maingay ha, pag-uwi ay i-surprise ko si Misis ng cooking skills ko. Parati na lang kasi syang nagluluto maliban sa midnight snack nya. Ako kasi ang pinapapak nya.

No comments: